Vocation Story Episode 10. Ang Mahabang Eksamen
Repost ( from 2012)
"Ang lahat ng ating mga ginagawa ay maaring tingnan bilang pag-hahanda sa isang exam o pagsusulit. At ang kalidad ng ginawa nating paghahanda ang siyang magtatakda kung tayo ay papasa o hindi sa napakaraming eksamen ng pang-araw-araw na buhay"Ang mga huling araw eh naging napaka-toxic na naman para sa akin. As usual, hanggang leeg na naman ang mga deliverables at mga pending documents at reports na dapat asikasuhin. Pero dahil inspired talaga ako magsulat sulat ngayong mga nagdaang araw, humanap pa rin ako ng pagkakataon para makapagpost ng bagong entry. Haha.
Nung Linggo (March 4), muli akong nagbalik sa seminaryo para sa psychological exam. Medyo ngarag ako dahil tinanghali ako ng gising! Dagdag pa dyan ang matagal na pagpila sa terminal ng bus at ang bagong regulasyon sa speed limit na ipinatutupad ngayon sa SLEX. Dahil sa mga yan, dumating ako sa may Makati ng mga alas ocho (alas ocho ang schedule ng exam - haha) talaga namang hangos na hangos ako sa pagtakbo at dahil sa aking pagmamadali at halos paglipad para umabot sa oras, dumating ako sa pintuan ng seminaryo ng mga 8:15 at tumuloy na sa kwarto kung saan isinasagawa ang eksamen.
Pagpasok ko ay kaagad akong naupo (humihingal pa ako ih. haha) upang makapagpahinga nang konti at nag-observe sa mga kasama kong examinees. Nagulat ako dahil mula sa 23 aplikante nuong nakaraang vocation seminar, 8 na lang kaming natira! At yung ibang inaasahan kong makikita sa exam eh wala na. Saglit lang at lumapit na si ma'am proctor upang ibigay sa akin ang questionnaire at answer sheet para sa unang bahagi ng exam.
at nagsimula na akong magbasa at magsagot, at magsagot, at magsagot. Grabe, parang yung ballpen brand lang noong elementary ako na haba-haba ang pangalan at parang energizer batteries (panuorin mo muna ang commercial na ito ng energizer nuong early nineties yata - haha.) lang ang exam, it keeps going, and going, and going.... and going.... haha. Sama na rin natin ang haba-haba ballpen. O, manood ka muna at maaliw ka sana, vintage na mga yan. haha.
Nakakatuwa dahil sa walong natira, tatlo kaming taga probinsya namin (yown naman! haha). Dahil sa binilisan ko ang pagsasagot, mga lampas alas dos pa lang eh tapos na ako. Ako ang kaunaunahang nagpasa ng papel. (valedictorian... haha) Kinakailangan ko kasing umuwi ng maaga dahil may mga tatapusin pa akong trabaho para sa Monday. Ito na ang last stage sa admission process ng seminaryo.
Dahil psychological exam ito, minemeasure ang iba't ibang dimensions ng personality ng isang kandidato para idetermine ang fitness nito sa pagpasok sa seminaryo at sa pamumuhay kasama ng isang community.
Pagkauwi ko sa bahay, pagkatapos ng dinner, nagkaroon ako ng pagkakataon na ibulalas sa aking ina ang aking planong pagpasok sa seminaryo. Ngayon ko pa lang sasabihin ito kay nanay dahil sa usap-usapan naming mga aplikante habang nagbebreak kami, na ang susunod daw na step kung tanggap kami eh ang "home visit" ng mga pari sa seminaryo para magbackground check. Ayaw ko namang gulatin ang mga tao sa bahay kung sakasakaling may magbabackground check nga (haha).
Bumwelo muna ako at di ko talaga agad madiretsa... Sabi ko, "ma, meron akong sasabihin...." Ano ba yon? sabi ng nanay ko. "meron akong sasabihin..." sabi ko ulit. Ano nga? sabi ng nanay ko, "Mag-aasawa ka na?" tanong niya. Biglang pasok ng nakatatanda kong kapatid na babae. Sabi ng nanay ko, "ayan, may sasabihin daw yang kapatid mo". Sunod sunod na ang tanong, "mag-aasawa ka na?", "nakabuntis ka?" Ako'y medyo natatawa sa dalawa habang nagtatanong dahil masyado namang napakaspeculative ng kanilang mga tanong haha. Pero nasabi ko rin, "magpapari po ako..." Nung sinabi ko yung mga linyang yon, mula sa natatawa, biglang naiba ang mood ko. Biglang naging seryoso at medyo napapaiyak pa ako (drama na naman - haha). "kaya napapadalas ang pagluwas-luwas ko, eh nag-aaply po ako sa seminaryo" sabi ko.
Nakita ko na wala namang bakas ng pagtutol sa mukha ng aking ina nung sinabi ko ang plano ko sa kanya. Sabi pa nya, "sige anak, kung diyan ka magiging masaya, ay sumige ka.... (marami pa syang sinabi. Alam nyo naman mga nanay. Puputulin ko na. haha at nagtapos siya ng ganito) at pag ako'y nawala, isusulit ko sa Diyos, na ako'y may anak na magpapari..." Mangilid-ngilid na naman ang luha sa mga mata ko kaya't ako'y umalis na sa kusina at nagtungo sa kwarto.
Ang sa akin lamang, makapasa man ako o hindi sa eksamen na ito na talaga namang ubod ng haba (haha), ang pinakamahalaga ay sinubukan ko at kumilos ako upang tumugon sa munting tawag na aking narinig sa kaibuturan ng aking puso at laging ang hanap ko naman ay makasunod sa kalooban ng Diyos at makapamuhay bilang isang matapat na alagad kung saan mang estado ng buhay Niya ako tawagin.
Sabi nga sa isa pang kanta:
"Panginoon, narito ako.... Gawin Mo sa akin ang maibigan Mo... Handa akong sundin ang loob Mo.... Panginoon, narito ako...."
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento