Homilies and Reflections. Pagtatapos ng Pilgrimage Season Sa Antipolo
Hulyo 7, 2020. Martes. Pagtatapos ng Taunang Pagbista sa Dambana ng Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay – Birhen ng Antipolo
Pagninilay sa Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lukas 1: 39-45
![]() |
Ngunit ito ay isang bagay na hindi natin dapat ikalungkot. Bagkus, dapat tayo ay matuwa. Sapagkat di man tayo nakatungo ngayon sa Mahal na Birhen ng Antipolo, siya naman ang personal na pumunta at tumuloy sa ating mga tahanan upang tayo ay bisitahin, kamustahin at bigyan ng pag-asa.
Sa Mabuting Balita, napuspos ng kagalakan si Elisabet nang siya ay dalawin ng Mahal na Birhen at ultimo ang batang nasa kanyang sinapupunan ay naggagalaw sa tuwa dahil sa mabuting balita ng pagbisita ng ina ng Diyos. Harinawa, ang karanasan ng extra-ordinaryong pilgrimage na ito, ay pumuspos din sa atin ng kagalakan sa pagdalaw ni Maria sa ating mga tahanan dala ang pag-asa at kapayapaang nagmumula sa kanyang Anak.
Marahil tayo ngayon ay nakakaranas ng pagkabagabag. Marami tayong iniisip. Maraming problema at suliraning kailangang bigyan solusyon dala ng dinaranas nating pandemya. Si Maria, para bang sinasabihan tayong pumayapa, manalig at magtiwala. Tulad ng isang ina na nakikipagdiwang sa ating mga tagumpay, inaalagaan tayo sa panahon ng ating pagkakasakit, inaalo tayo sa panahon ng ating kalungkutan - nariyan ang Mahal na Ina - ninanais tayong balutin sa kanyang tunay na makainang kalinga at pagmamahal.
Tunay na ang paglapit natin kay Maria ay paglapit natin kay Hesus na kanyang Anak. Parati niya tayong sinasabihan – “Gawin ninyo ang ano mang sabihin Niya..” Tunay na walang nagmahal sa Anak na hindi nagmahal sa ina sa pagkat ang buhay nila ay tunay na magkadugtong – buhay na inilaan sa pagtupad sa kalooban ng Diyos.
Mga kapatid, bigyang pag-asa nawa tayo at kalakasan ng Mahal na Birhen, na gumagabay sa atin dito sa paglalakbay natin sa daigdig na ito. Patuloy nawa niya tayong alalayan tungo sa kaganapan ng buhay na masusumpungan lamang sa kanyang Anak na si Hesus at sa pagsunod sa kalooban ng Ama.
Dati, nagtutungo tayo dito sa dambana ng Mahal na Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay upang mahawakan ang kanyang mapaghimalang imahe at ilahad ang mga kahilingan ng ating puso. Ngayong araw na ito, siya ang pumupunta sa atin, hinihipo tayo upang tayo ay pagalingin, patatagin at pagpalain. Tunay na hindi tayo pababayaan ng ating Ina na patutuloy na namamagitan at nananalangin para sa aitn sa kanyang Anak na si Hesus. Amen.
Photo: CTTO

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento