Homilies and Reflections. Miyerkules sa Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon
17 Hunyo 2020, Miyerkules sa ika - 11 Linggo sa Karaniwang Panahon
Pagninilay sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo 6: 1-6, 16-18
Sa Mabuting Balita, tila nagbibigay ng guidelines si Hesus kung paano tutulong sa kapwa, magdadasal at mag-aayuno - mga gawain ng isang mabuting Kristiyano.
Magandang tingnan, ano ang motibo natin kung bakit natin ginagawa ang mga bagay na ito? Ginagawa ba natin ito dahil ito ang idinidikta ng ating puso at siyang nararapat gawin ng isang taong nagmamahal at sumusunod sa kalooban ng Diyos o ginagawa natin ang mga ito para tayo ay makapagpasikat, mapuri at mapansin ng ibang tao?
Kung minsan, we do the right thing for the wrong reason. Tama ang ginagawa natin ngunit may hindi tama sa dahilan o motibo natin. At yan ang nais itama ni Hesus sa ating Mabuting Balita.
Harinawa ang tangi nating dahilan sa pagtulong sa kapwa ay upang sundin ang kalooban ng Diyos. Wala nang iba pa. Sapagkat kung ang ating paggawa ng mabuti ay nakasandig lamang upang tayo ay mapuri, mapasalamatan o masabihan ng banal, ipagpapatuloy pa rin ba natin ang ating ginagawa kung wala nang makapapansin o pupuri sa atin?
Ang tunay na gawang kabanalan ay hindi naghahanap ng pagkilala mula sa iba bagkus ng pagkilalang tanging mula sa Diyos na siyang nakakaalam ng laman ng ating puso.
Hinahamon tayo ng Mabuting Balita tungo sa tunay na pagiging Kristiyano at pagpapakatotoo. Amen.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento